Wednesday, June 6, 2007

Ang mga nawawala
Jose F. Lacaba


Isang araw sila’y
nawala na lang at sukat.
May hindi pumasok sa opisina,
hindi sumipot sa apoyntment,
nang-indiyan ng kadeyt.
May hindi umuwi ng bahay
at hindi nakasalo
ng pamilya sa hapunan,
hindi nakasiping ng kabiyak.
Ang inihaing ulam ay ligalig,
at ang inilatag na banig
ay ayaw dalawin ng antok.
Nang hanapin sila’y
walang masabi
ang kamag-anak at kaibigan,
walang ulat ang pulisya,
walang malay ang militar.
Kung mayroon mang nakakita
nang sila’y sunggaban
ng malalaking lalaki
at isakay sa dyip o kotse,
pabulong-bulong ang saksi,
palinga-linga,
at kung pakikiusapang
tumestigo sa korte,
baka ito’y tumanggi.
Pagkaraan ng ilang araw,
o linggo, o buwan, o taon,
pagkaraan ng maraming
maghapon at magdamag,
pagkaraang ang agam-agam
ay magparoo’t parito
sa mga manhid na pasilyo
at ang pag-aasam-asam
ay mapanis sa mga tanggapan,
pagkaraan ng luha’t tiyaga,
ang ilan sa kanila’y
muling lumitaw.
Lumitaw sila
sa bilangguan, sa bartolina,
sa kubling bahay na imbakan
ng ungol, tili at panaghoy,
himpilan ng mga berdugong
eksperto sa sanlibo’t isang
istilo ng pagpapahirap.
Lumitaw silang
bali ang buto o sira ang bait.
O kaya’y lumitaw silang
lumulutang sa mabahong ilog,
o nakahandusay sa pampang,
o umaalingasaw
sa mga libingang mababaw
na hinukay ng mga asong gala.
Lumitaw silang
may gapos ang kamay at paa
na wala nang pintig, o watak-
watak ang kamay, paa, ulo,
o tadtad ng butas ang bangkay,
likha ng bala o balaraw.
Ang iba’y hindi na lumitaw,
hindi na kailanman lumitaw,
nawala na lang at sukat,
walang labĂ­, walang bangkay,
hindi malaman kung
buhay o patay,
hindi mapaghandugan
ng lamayan, pasiyam, luksa,
hindi maipagbabang-luksa,
hindi maipagtirik ng kandila
kung Todos los Santos.
Nakaposas pa ba sila
sa paa ng kinakalawang na kama
sa loob ng kuwartong may tanod,
busog sa bugbog,
binabagabag ng bangungot,
sumisipol kung nag-iisa
ng “Saan Ka Man Naroroon,”
iniisip kung ano ang iniisip
ng magulang at anak,
kasintahan o kabiyak?
O sila ba’y
umayaw na sa pakikibaka
at nagbalik sa dating buhay,
o nagtaksil sa simulain
at nagtatago sa takot,
o nag-asawang muli
at nangibang-bayan,
o tinamaan ng amnisya
at lalaboy-laboy sa lansangan,
o lihim na namundok
at nag-iba ng pangalan?
O sila ba’y
pinagpapasasaan na ng uod?
Nag-ugat na ba ang talahib
sa mga mata ng kanilang bungo?
Bahagi na ba sila
ng kanilang lupang tinubuan,
ang lupang kanilang ipinaglaban?
Sinusulat ko ito
para sa mga kakilalang
hanggang ngayon ay nawawala,
para kina Charlie del Rosario
at Caloy Tayag
at Manny Yap
at Henry Romero
at Jun Flores,
at Rudy Romano
sila na kahit hindi ko
nakilala nang husto
ay alam kong naglingkod
sa api at hikahos.
Buhay man sila o patay,
sa aking alaala’y
mananatili silang buhay.

Si Jose F. “Pete” Lacaba ay premyadong manunulat at mamamahayag. Kabilang sa kanyang mga sinulat ang Days of Disquiet, Nights of Rage , koleksiyon ng mga sanaysay hinggil sa First Quarter Storm of 1970.