Sunday, September 5, 2010

Tula ni Alex Remollino para sa mga desaparecido

Hindi Iyan ang Aming Hinahanap
Alexander Martin Remollino

Bakit iyan ang ibinigay ninyo sa amin?
Hindi iyan ang aming hinahanap.

Ang aming hinahanap
ay hindi ang inyong paboritong mga kanta --
mga kantang may mga titik nga ay walang sinasabi,
mga kantang may himig nga ay walang ipinaririnig --
mga kantang walang paiindakin
kundi yaong ang mga utak
ay nasa mga kuko sa kanilang mga paa.

Ang aming hinahanap
ay mga

kasama
kapatid
kaibigan

na iwinalang parang mga bula
at ngayo'y hindi namin malaman-laman
kung ipagtitirik na ba ng mga kandila
o aantaying isang araw ay biglang magpakita.
Sila'y mga taong
naglagay ng sariling mga buhay sa panganib
alang-alang sa pangarap
na lahat ay mabuhay nang walang panganib --
at sila'y iwinalang parang mga bula
ng mga duwag, mga natatakot
na matupad ang kanilang mga pangarap.

Ang aming hinahanap

ay kalayaan
at katarungan.

Ito ang aming hinahanap.
at hindi ang inyong paboritong mga kantang
walang paiindaking sinuman
kundi yaong ang mga utak
ay nasa mga kuko sa kanilang mga paa.

Huwag iyan ang ibigay ninyo sa amin.


(Reposting mula sa nag-fold na .com website ng FJBM. Si Alex Remollino ay masugid na advocate ng human rights at masigasig na miyembro ng FJBM. Siya ay namatay noong gabi nang Steyembre 3, 2010. Nakikiramay ang buong pamilya ng Burgos pati ang mga miyembro ng FJBM sa pamilya ni Alex. Salamat Alex!)