Friday, June 1, 2007

Bukas na liham para kay JONAS

(Ang liham na ito ni Jose Luis Burgos,kapatid ng dinukot na si Jonas Joseph Burgos, ay nakapaskil kasama ng kanyang larawan sa mga poster na makikita sa mga pader, poste, kubeta at waiting sheds sa Quezon City. Nagbabakasakali ang kapatid ni Jonas na maantig ang damdamin ng mga may pakana ng kanyang pagkawala.

Pakiusap: magtulong-tulong po tayo na ipalaganap ang mensaheng ito ni JL sa kapatid nyang si Jonas. )


Isang sulat para kay Kuya Jay (May 7, 2007)
Tol,

Sana pinapabasa ka nila ng dyaryo.

Sana umabot sayo ang mensaheng ito.

Alam naming mahirap ang sitwasyon mo ngayon. Alam din namin na nagaalala ka sa pamilya. Ayos ang mag-ina. Matibay na hinaharap ng mag-uutol ang sitwasyon. At bibilib ka sa husay ni moms. Magu-gulat ka sa dami ng suporta. Kasama ang mga kaibigan, sama-sama naming hinaharap ang struggle na to.

Naalala mo nung kinulong si erpats, di natinag ang pamilya. Ngayon sa krisis na hinaharap natin lalong di matitinag ang pamilya. Huwag kang magalit na kinukwento namin sa mga kaibigan ang pagkain mo ng tutubi, ang pagiging pasaway mo nung bata ka pa. Kasi kailangan nila malaman na tao ka at di hayop tulad ng ginawa ng mga dumukot sayo.

Gusto ko lang sabihin sa'yo na tibayan mo ang loob mo. Tandaan mo na ang iyong paniniwala at paninindigan ay para sa nakakarami. Mas mahusay at mas matapang ka sa mga may hawak sayo. Mga duwag at traydor ang dumukot sayo. Kung anuman ang ginagawa sayo para balewalain ang pagkatao mo ay alam mong mas tao ka kaysa sa pinapamukha nila sayo. Tibayan mo ang loob mo dahil nasa tama kang paninindigan. Huwag na huwag kang mag-aalala sa min. Ayos kami. At pinagyayabang ka namin. Isa kang mabuting tao at sinisigaw naming yan sa buong mundo.

Konting tiis pa tol at magkakasama nating titingnan ang pagsikat ng araw!

Para sa bayan!!! At para sa lahat ng biktima ng paglabag ng karapatang pantao!!!



JL



Si JL Burgos ay nakababatang kapatid ni Jay-Jay at isa sa mga unang naging miyembro ng UGAT Lahi. Siya ay isang visual artist at video editor. Isa sa mga walang sawang nakikiisa, tumutulong at nakikibahagi sa pagsisimula ng tutoK karapatan.

Si jay-jay ay si Jonas Burgos. Anak ng yumaong Jose Burgos tagapagtatag ng We Forum at Malaya newspaper mga independenteng puklikasyon ng panahon ng diktaduryang Marcos. Pinaniniwalaang dinukot ng elemento ng militar nuong Abril 28 2007 sa Ever Gotesco Mall sa Commonwealth si Jonas.

No comments: