TINIPON AT INILATHALA NG BULATLAT
Vol. VII, No. 39, November 4-10, 2007
ODA KAY JONAS
ni Axel Pinpin**
Malaya kang lilipad-lipad, palipat-lipat
sa pumpon ng dampa naming maralita
upang tipunin, simsimin ang tamis ng pawis
nang namumukadkad naming ngalit mula sa pagtangis;
na noong buwan ng Abril na iyon
ay kasinglapot, kasingpula ng dugo.
Sa gitna ng parang
ay namasdan namin ang iyong gintong pakpak,
narinig ka naming pumapagaspas,
nakikigapas at nakikiaklas.
Ikaw ang paru-paro naming magbubukid
at ang paroroonan mo ay walang nakabatid
nang patiyad, marahas kang lapitan
at hulihin ng lalaking salbahe at matapang ang hiya.
MAKUPAD ANG BATAS KAY JONAS BURGOS
ni Raul Funilas
Bawat pangyayari sa Metro Manila,
O karatig-lugar, aktibong probinsya;
Ang hinala nami’y pawang ipininta
Ng Bruskong Militar sa poder ni Gloria.
Tulad nang makidnap si Ka Jonas Burgos,
Sanga ng militar, “Tumalon sa ilog
At doon nagtago sa daloy ng agos
Upang di maamoy ang utot-mabantot.”
Subalit maraming testigong tumindig,
“Sa gobyernong hangal sasakyang ginamit.”
Diskarte at kilos militar ang kisig
Kaya kay Ka Jonas walang nakalapit.
Sa’n ka man naroon O, Kasamang Jonas,
Kami’y di titigil sa pangangalampag;
Sukdulang ang buhay ang sukling katumbas
Makita ka lamang sa tuwid na batas.
Inilathala ng Bulatlat
*Ang dalawang tulang ito ay parehong inihanda ng mga may-akda para sa kauna-unahang buwanang Protest Poetry Night ng Artists’ ARREST sa Mag:net Katipunan, na ginanap noong Oktubre 29.
**Si Axel Pinpin ay kabilang sa tinaguriang “Tagaytay 5” – kasama nina Riel Custodio, Aristedes Sarmiento, Enrico YbaƱez, at Michael Masayes – na dinukot ng mga pulis at militar noong Abril 28, 2006 sa Tagaytay City, pinaratangang mga “rebeldeng komunista” at ngayo’y mahigit sa isang taon nang nakakulong sa Camp Vicente Lim ng Philippine National Police (PNP). Naging fellow siya para sa tula ng UP National Writers Workshop noong 1999
1 comment:
mabuting simulan
Post a Comment